SENTENYAL

Sa Liyab ng Sandaang Sulu!

Kamakailan lamang, ang National Commission on the Role of Filipino Women (NCRFW), sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission (PSC), ibat-ibang ahensiya ng gobyerno at NGOs, ay nagbigay parangal sa 20 Filipina na nakapag-ambag para sa kaunlaran ng mga kababaihan at ng pambansang pagsulong sa kabuuan. Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa Ninoy Aquino Stadium (Vito Cruz, Manila) bilang paggunita sa National Women’s Day.

Kabilang sa mga pinarangalan ay sina Senator Leticia-Ramos Shahani, Honorary Adviser ng NCRFW; Santanina Rasul, may akda ng R.A. 6949 na nag-aatas Marso 8 ng bawat taon bilang Araw ng Kababaihan; Anna Dominique Coseteng, Chairperson of the Committee on Women and Family Relation sa Senado; Rep. Luz Cleta Bakunawa, Chairperson ng Committee of Women sa Mababang Kapulungan; at Leonor Ines Luciano, sectoral representative ng mga kababaihan.

Ang iba pang pinarangalan ay mga Cabinet Secretary na kinabibilangan nina Carmencita Reodica ng DOH; Lina Laigo ng DSWD; Erlinda Pefianco; Emilia Boncodin; Mina Gabor of DOT; Josefina T. Lichauco; Amina Bernardo at Justice Flerida Ruth Romero; National Treasurer Caridad Valdehuesa; Pag-Ibig Fund President and CEO Zorayda Amelia Alonzo; Human Rights Chairperson Aurora Navarette Reciņa; BIR Commissioner Liwayway Vinzons Chato; Civil Service Chairperson Corazon Alma de Leon and Marietta P. Goco, Chairperson, President Commission to Fight Poverty.

Kasama rin sa tumanggap ng pagkilala sina Evelyn Fetalino, ang bagong appointed na COMELEC Commissioner; Minerva G. Laudico, sectoral representative para sa mga matatanda; at former athlete Mona Sulaiman.

Ang Mahalagang Papel ng Kababaihan sa Kasaysayan

Hindi matatawaran ang kontribusyon ng kalalakihan sa ikasusulong ng pambansang pagkakaisa at kalayaan. Ang kanilang ginawang kabayanihan ay walang katumbas na salapi o anumang materyal na bagay. Namuhunan sila ng di-birong hirap, pagtitiis, pagpapakasakit, sakripisyo, oras, lakas, pag-iisip at salapi upang isulong ang kanilang mga adhikaing ipinakikipaglaban. Ibinigay nila ang kanilang buong makakaya, maging ang kanilang tinatangkilik, sukdulang ibuwis ang buhay sa ngalan ng kalayaan.

Sinasabing sa likod ng pagtatagumpay ng mga kalalakihan ay may pangunahing dahilan, ang kababaihan. Ito’y hindi maikakaila na napatunayan sa mga pangyayaring humubog at naging daan ng ating kasarinlang pambansa. Maraming mga kaganapan ang nasaksihan at pinatunayan ng mga dahon ng kasaysayan na hindi magtatagumpay kung walang indibidwal o grupo ng mga kababaihan sa likod niyaon. Ito ang mga kasaysayan ng mga dakilang babae na hindi pumayag na maging tagapanood lamang sa mga kaganapan sa kanyang kapaligiran, manapa’y aktibong nakilahok, nakihamok kaalinsabay ng kanilang mga kontemporaryong kapanalig upang isulong din ang mga adhikain at prinsipyong kanilang ipinaglalaban.

Sa loob ng mahabang panahon, marami sa kanila ang gumawa ng mga nararapat na hakbang upang magkaroon sila ng seryosong pakikilahok sa hamon ng panahong kanilang kinabibilangan. Nagtatag sila ng mga kilusan na naglalayong tulungan ang mga kalalakihang nakikipaglaban sa mga kaaway. Ginawa nila ang lahat ng inaakala nilang may maitutulong upang mas lalong maging matagumpay ang layuning isinusulong kasama ang mga lalaki na kung ‘di man nila asawa, ay maaaring anak, kapatid, pinsan, kaibigan o malapit na kamag-anak.

Sa pamamagitan ng kanilang makabansang adhikain, lalo silang napalapit sa puso at damdamin ng kanilang mga kasamahan, na naghahangad rin ng radikal na pagbabago sa sistema ng pamahalaan, mga namumuno dito, at ng bansa sa kabuuan.

Gabriela Silang- Dahil sa mga maanomalyang koleksiyon ng buwis na ipinatutupad ng mga prayleng Kastila sa mga mamamayan, at sa tahasang pagmamalabis ng mga alcalde mayor sa pagpapatupad ng tinatawag na indulto de comercio (mga uri ng buwis), napilitang mag-aklas ang mga Ilokano sa pamumuno ni Diego Silang. Nagsimula ang rebelyon sa Vigan, Ilokos Sur at nakarating hanggang sa Cagayan Valley. Sa kasamaang palad ay pinagtaksilan at pinaslang siya ni Miguel Vicos, isang mestisong Kastila na may malaking galit sa kanya, sa tulong ng pinagtitiwalaan niyang tauhan na si Pedro Becbec. Ang pagkamatay ni Diego Silang ay hindi nagpatigil sa maalab nilang layuning ipinaglalaban dahil ito’y ipinagpatuloy ng kanyang kabiyak na si Gabriela Silang at ng kanilang tiyuhin na si Nicolas Cariņo.

Gregoria de Jesus- Siya ang butihing maybahay ni Andres Bonifacio. Marami siyang kontribusyon para sa kapakanan ng Katipunan, maging noong nagsisimula pa lamang ito. Katulong siyang nagdisenyo ng kauna-unahang bandila ng Katipunan na sumasagisag sa kapangyarihan ng samahan bilang tagapanguna ng pambansang pagbabago. Siya ay naging opisyal sa women’s chapter ng Katipunan at maraming hirap ang naranasan niya. Ibinuwis din niya ang kanyang buhay, bagaman at siya’y nagdadalantao, sa pamamagitan ng pagtatago at pag-iingat ng mga mahahalagang dokumento ng kilusan, para hindi ito makuhanan ng mga ebidensiya na maaaring gamitin laban sa kanila. Nang pinatay si Andres Bonifacio noong 1897, nakilala ni Oryang si Julio Nakpil na naging pangalawang asawa niya. Namatay siya noong 1943.

Melchora Aquino- Sa kasaysayan, siya’s lalong kilala sa tawag na Tandang Sora, at tinagurian bilang "Ina ng Katipunan". Ang kanyang ambag para sa kapakanan ng kilusan ay hindi matatawaran. Buong puso niyang ipinagkaloob ang kanyang tahanan upang maging tuluyan at kanlungan ng mga katipunero sa panahon ng kanilang pakikipaglaban sa mga Kastila. Pinakain, at ginamot niya ang mga sugatang mandirigma sa abot ng kanyang makakaya. Hindi niya makayanang makitang naghihirap ang mga ito.

Noon at ngayon

Ilan lamang sila sa mga kababaihan na dahil sa pagtugon sa tawag ng panahon at tungkulin ay hindi na inalintana ang mga bagay na makapaglagay sa kanila sa kapahamakan. Hindi nila ipinagpauna ang sariling kapakanan, sa halip ay isinakripisyo nila maging ang sariling buhay at lakas alang-alang sa tawag ng tungkulin na maglingkod para sa Inang Bayan, at sa hamong palayain ang bayan mula sa mapagsamantalang kuko ng mga dayuhan.

Dapat isaisip na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa paglikha ng isang lipunang maka-Diyos, maka-Pilipino at makatao. Kasinghalaga ito sa paghubog ng kamalayan at damdamin ng ating mga anak at ng susunod na salinlahi. Ang pagtataguyod ng mga karapatang pangkababaihan ay nararapat na maging pang-araw-araw na gawain ng lahat, at hindi pangtaunang selebrasyon lamang.

 


Philippine Centennial

 

home

home

The Season Where the Flowers Bloom

Sa Liyab ng Isandaang Sulo

Nakakauhaw, nakakabitak na
El Niņo

Specialty ni Aling Cecille

Baguio...the ascending journey

Rosanna Roces...Ligaya ang Magiging Nanay si Selya

In-Side A

Mga Karapatan ng Migranteng Manggagawa


Grupo Pilipino Group of Companies | Message Station | Previous Issue | Cover | Sentenyal | Feature Success | Entertainment | Tourism | POEA/OWWA