feature

Nakakauhaw na El  Nino

Ang Pilipinas ay binubuo ng libu-libong isla na napapalibutan ng tubig. Pero problema pa rin ng Pilipinas ang supply ng tubig! Paano ba naman natin hindi puproblemahin ang tubig, eh ang halos 90% ng daluyan ng tubig sa buong kapuluan ay biologically dead na. Patay. Tigbak. Walang buhay.

Idagdag pa katotohonan na may nanghihigop ng tubig na nagdulot ng malawakang tag-tuyot. Tinawag itong El Niņo. Ano ba iyan?

Kasaysayan ng penomena ng El Niņo

Ironic nga na ang pangalang El Niņo, na nakuha sa batang si Hesus, ang katawagan sa nakapipinsalang penomena. May koneksyon kasi sa sanggol na si Hesus ang pagkaka-diskubre ng malawak na sakop ng init na ibabaw ng dagat. Una kasing namalayan ng mga mangingisdang Peruvian ang El Niņo noong panahon na malapit ang Kapaskuhan. Naging marka sa kasaysayan ng El Niņo ang taong 1500 A.D., sa karagatan ng Peru na nasa katimugang bahagi ng Amerika. Noon unang pinag-usap-usapan ng mga mangingisda ang pag-iinit ng temperatura sa ibabaw ng dagat at ang kaakibat na pagbaba ng bilang ng nahuhuling isda lalo na ng isdang anchovie na siyang staple food ng mga Peruvian. Hindi lang iyan, napansin din ng mga magsasaka ng Peru na sumasabay sa nangingibabaw na init ang matinding buhos ng ulan.

Ayon sa malawak na pag-aaral ng karagatan, nasa kanlurang Pacific ang pinakamainit na tubig sa mundo. Normal lang na ang mainit na tubig na ito ay itinutulak at ikalat ng hanging Silangan-Kanluran patungong Indonesia. Pero may mga panahong nanghihina ang hangin at naitutulak ang nakapipinsalang mainit na tubig sa baybayin ng Silangang America. Apektado ang buong mundo sa pagbabago ng kalagayan ng dagat.

El Niņo ang tawag sa penomena na lumilitaw sa malawak na Pacific basin. Nauulit ang ganitong kaganapan sa pagitan ng dalawa hanggang siyam na taon. Nagsisimulang mag-init ang ibabaw na bahagi ng Pacific sa mga malalamig na buwan ng Disyembre hanggang Pebrero at tumatagal hanggang sa kalahatian ng sumunod na taon o maaaring tumagal pa ng ilang taon.

Mga Epekto ng El Niņo sa Iba’t-ibang Bansa sa Mundo

Sa pangkalahatan, dalawang bagay ang maaaring idulot ng El Niņo. Maaaring bumaha sa sobrang buhos ng ulan o maaaring maging tigang ang lupa dahil sa sobrang init. Basa ang winter sa katimugan ng Amerika, samantalang ang Hawaii ay nakararanas na kaunting pagbabago sa klima nito. Mahinahon ang hurricane season sa parte ng Caribbean at Bahamas. Maulap at makulog sa parteng French Polynesia, samantalang hindi makakaranas ng kaibahan sa klima ang mga bansa sa China, Japan, India at mga bansa sa Europe. Malupit na madarama ang El Niņo sa Indonesia at mga karatig bansa sa katimugan gaya ng Pilipinas.

Mga dulot ng El Niņo sa Pilipinas

Sa Pilipinas at sa iba pang bansa sa Timog Asia, tag-tuyot ang ibinabadyang magaganap. Dahil dito bababa ang water level sa mga anyong tubig, gaya ng sa La Mesa Dam at Angat Dam sa Bulacan na siyang pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Kamaynilaan at ng bukirin sa mga karatig probinsya nito. Inantala nito ang pagpasok ng tag-ulan, kasabay ng paghina ng monsoon activities, at ang pagkabawas ng daraang bagyo sa bansa.

Marami ng El Niņo ang naranasan ng bansa. Ang unang naitala ay noong 1948-1959. Nasundan ito noong 1961-1973, 1974-1988, 1989-1996. Sa mga naganap na El Niņo, matindi ang naidulot ng 1982-1983 na El Niņo dahil umabot sa $400 million ang pinsala nito. May kinalaman din ang El Niņo ng 1992-1993 sa nakakainis na brown out noon. Umabot sa P4.1 bilyon ang pinsala nito.

Sa kasalukuyan, humaharap ang bansa sa isang malaking krisis dulot ng El Niņo. Unang-unang apektado siyempre ay ang supply ng tubig na inumin at iba pang domestic uses.

Hindi lang tubig na maiinom at panligo ang gamit ng tubig para sa atin. Kailangan din ng tubig ang mga halaman at hayop, mga mahahalagang kasama ng ating ecosystem. Apektado rin nang malaki ang palay at mais na nabubuhay sa tubigan.

Sa pagtaas ng temperatura sa ibabaw ng dagat, nagsisilikas sa mas malalamig na parte ng dagat ang mga isda gaya ng tuna at sardines. Na nangangahulugang apektado rin ang buhay ng mga bangus na nabubuhay sa mga palaisdaan, dahil sa pagbabago ng patak ng ulan na kinakailangan para sa maasin na timpla ng tubig dito. Kawawa rin ang mga farm animals dahil sa makapagpapapayat ang kakulangan ng nutrisyong dulot ng krisis. Hindi rin ligtas ang mga gubat sa init na dulot ng El Niņo dahil sa maaaring mag-apoy ang mga puno sa gubat dulot ng sobrang init na mahirap apulain dahil sa kakapusan na rin ng tubig. Ganito nga ang nangyari noong 1980’s sa mga kagubatan ng Luzon, at sa Dipterocarp Forest sa Mindanao. El Niņo rin ang sinisisi sa naganap na sunog sa gubat ng Indonesia ng nakaraang taon. Higit sa lahat, apektado rin ng El Niņo ang power supply ng bansa. At dahil walang tubig, walang kuryente.

Magandang Balita Tungkol sa El Niņo

Ngunit huwag manangis, bansang Pilipinas. May mabuti rin daw dulot ang El Niņo. Ito ay ayon sa pag-aaral na ginawa ng National Center for Atmospheric Research ng Amerika. Ayon sa grupo ng mga scientists na pinangunahan ni David Schimel, na-obserbahan nila na ang paglamig at pag-init ng temperatura ay may kinalaman sa pagbaba at pagtaas ng carbon dioxide level sa himpapawid.

Ang carbon dioxide ay maduming hangin sa kapaligiran na siyang nagdudulot ng global warming sa mundo. Tanging mga halaman na sumisipsip dito ang siyang nakababawas sa pinsalang dulot ng ganitong klase ng polusyon.

Ayon sa nabanggit na pag-aaral, sa mainit na temperatura, gaya ng idinudulot ng El Niņo, ang siya namang panahon ng pag-usbong ng mga halaman at pananim. Ang mga nagsulputang halaman ang masiglang sumisipsip sa mga carbon dioxide. Ayon din sa pag-aaral, sa una raw ay sadyang mabilis ang pagbuga ng lupa ng carbon dioxide dahil ang init ay nagpapabilis ng decay ng mga patay na hayop at halaman na nakabaon sa lupa. Ang mabuting epekto ng El Niņo ay mararamdam matapos ang dalawang taon kung kailan ang mga nag-uusbungang halaman ay nakakasipsip na ng dumi sa kapaligiran.

La Niņa

Ayon pa rin sa mga pag-aaral, ang El Niņo ay pinangungunahan o sinusundan ng La Niņa na ang ibig sabihin ay batang babae. Sa La Niņa, lumalamig naman ang ibabaw ng dagat na siyang kabaligtaran ng El Niņo. Kabaligtaran din ng El Niņo ang epekto nito: mas mainit kaysa normal na winter sa dakong Amerika at mas malamig kaysa normal na winter sa may dakong Pacific.

 
 

home

home

The Season Where the Flowers Bloom

Sa Liyab ng Isandaang Sulo

Nakakauhaw, nakakabitak na
El Niņo

Specialty ni Aling Cecille

Baguio...the ascending journey

Rosanna Roces...Ligaya ang Magiging Nanay si Selya

In-Side A

Mga Karapatan ng Migranteng Manggagawa



Garantisadong mabilis naming mapapadala


Grupo Pilipino Group of Companies | Message Station | Previous Issue | Cover | Sentenyal | Feature Success | Entertainment | Tourism | POEA/OWWA