ENTERTAINMENT


In-Side A

Sa labing-dalawang taon na inilagi nila sa local music scene, umani na sila ng maraming gold at platinum awards. Inaliw nila ang mga tagapakinig sa pamamagitan ng mga awitin nilang nagpapahayag ng pag-ibig, nagpaparamdam, nagpapa-alala ng lumipas, gumigising sa natutulog na damdamin, nangangako ng magandang bukas. Ang lahat ng ito ay binibigkas ng malamyos at nakahahalinang musika ng Side A.

 

Kilala sila sa istilong romantic ballad, isang uri ng tugtugin na malamyos at masarap pakinggan. Kaya naman ang kanilang fans ay laging handang lumusob sa Music Hall at iba pang concert venue, kahit major o minor concert lang, upang mapakinggan ng live ang iniidolong banda. Teka muna, bakit ba sila popular? Sino-sino sila? Paano nagsimula at ano ang kanilang pananaw sa OFW? Bueno, simula na natin.

Bakit SIDE A?

Ang pangalang Side A ay nagsimula noong 1985. Sa unang tatlong taon nila, maraming pagbabago ang naganap sa komposisyon ng grupo. Si Naldy, kasama ang kanyang kapatid na si Rodel ang mga naunang nagtaguyod sa banda. Dumating si Joey Benin noong ikalawang taon, si Kelly noong 1986, Joey Generoso noong 1989, at Ernie Servino 1989. Magmula noong 1989 hanggang sa kasalukuyan, sila ang mga musikero na bumubuo sa Side A. Saan ba nila nakuha ang pangalan?

"Tingnan mo kung anong side ang pine-play mo? Di ba Side A? Naisip namin iyon dahil nag-isip kami ng pangalan na something musical. Parang ‘pag naghahanap kami sa mga record store, kung ano man ang mga nakasulat na words, parati naming nae-encounter iyong side A at B. Di ba sa CD, or cassette tapes, nasa side A ang magaganda?" banat ni Naldy.

Paano nagkabanda-banda?

Naldy Gonzales- Ang band leader, musical director at keyboardist na pioneer ng banda mula 1985. Siya na lang ang natitirang orihinal na miembro ng Side A. "There are some qualifications that we set in order to fit in the group. Unang-una ay ang musicality ng tinutugtog at iniisip namin noon. Also iyong character, attitude, talent. Siyempre kung gusto rin nila iyong klase ng music na papasukin nila."

Joey Benin- Pinakabatang miyembro ng banda, umanib noong 1986 bilang bass guitarist/vocalist. Ang kanyang komposisyon na "Eva Marie" ang nagbigay daan sa kauna-unahang single record ng banda. Sa ngayon ay siya ang pangunahing composer ng grupo. "Hindi ko akalain na makakasama ako, galing ako sa isang band na tipong new wave, tapos na-disband. Schoolmate ko sina Ernie at Kelly. Si Mar, dating drummer nila ang nilapitan ko. Fan ako dati ng Side A , dream ko na sana’y makatugtog sa bandang tulad ng Side A, at eto, natupad naman."

Joey Generoso- Walang iba kundi ang long-haired at pinakapopular na miyembro ng banda na paborito ng mga female audience. Nagsimula siya bilang solo artist at nag-perform sa mga folkhouse bago naging member ng Side A noong 1989. Higit kaninuman, ang boses niya bilang lead vocalist ang nagbibigay ng distinksiyon sa tunog Side A. "Naalala ko pa noong unang-una akong kumanta sa kanila, anniversary ng Side A , kagagaling ko lang ng Singapore and I was with another band. That was September, 1989. Three or four days pa lang ako dito, then nanood ako. That time nagkataon na iyong isang member nila ay nagkasakit, so may kailangan sila, kulang ang boses . Tapos nakita nila ako, magkakakilala kami. Ayun, nakasali ako. Tapos kapag nagkakasakit si Rodel, (original member, kapatid ni Nalds), tinatawagan nila ako at ako ang kumakanta."

Kelly Badon- Lead guitarist/vocalist na ang kasanayan sa gitara ay blues at rock n’ roll style. "Bago pa ako naging member ng Side A, magkakakilala na kami. So noong nangailangan sila ng gitarista, tinawagan nila ako, ‘di sama ako sa Side A. Dito na ako nagka-asawa at nagkaanak."

Ernie Severino- Ang drummer/vocalist na nagdagdag ng disiplina at maturity sa banda simula nang umanib siya nong 1991. Bago dito, siya ay naging miyembro ng Philippine Philharmonic Orchestra, Philippine Youth Orchestra. "Kay Joey ako nag-start. Their first drummer had an operation, so I have to fill in for one month, sa Hyatt Calesa pa iyon. Pero before pa noon nakiki-jam na ako. But this one was longer. After that, they ask me to join, noong 1991. Tapos tuloy-tuloy na. Hindi na ako nag-isip, I just finished all other things that I’m doing those days, like nagse-session drummer ako noon with other bands. Ang last commitment ko ay February 14, and after that, February 15, sumama na ako sa Side A."

Inspirasyones sa pagkatha?

Huwag isnabin, dahil ang pinakamalaking advantage ng banda laban sa ibang grupo, ay ang katotohanang bawat isa sa kanila ay may kakayahang kumanta. At kaya din nilang lapatan ng sarili nilang interpretasyon at emosyon ang anumang awitin, orihinal man o hindi, na kanilang tinutugtog. Hindi maikakaila na magaganda ang kanilang tugtugan. Mayroon pa bang mas magandang paliwanag dito maliban sa malakas na bentahan ng bawat singles o album na pinakakawalan nila sa market? Ano-ano at sino-sino ang nakakaimpluwensiya sa kanila para makalikha ng mga magagandang awitin? "Marami like girlfriend, ex-girlfriend, mga mahal namin sa buhay, anak, asawa, kaibigan, different social events, places na napupuntahn namin pag nagbiyahe, mga nababasa, at siyempre faith kay Lord. Kung mapapansin ninyo, lahat ng songs namin ay positive, di ba?"

Hindi maiiwasan na sa panahon ng kanilang pagtatanghal, gaya ng concerts, guesting at iba pa, maraming mga fans ang nagkakagulo, nagsisiksikan, nag-uunahan at nagtutulakan para makita, mahalikan, magpa-autograph o mayakap ang sinuman sa miembro ng grupo. Paano sila nagre-react sa ganitong eksena? " Wala naman. Kasi madalas naman ang mga nanonood sa amin ay hindi masyadong rude like malakas sumigaw o tumili, nangyayakap o nanggugulo. Okey lang"

At kung bakit sa loob ng maraming taon, sama-sama pa rin ang Side A, ganito ang dahilan, "Enjoyment. We’re enjoying ourselves. Of course, may manager kami na nagma-manage sa amin. All the job that pertains to Side A, may naghahandle, may pinagdadaanan."

Komposisyon para sa OFW

"You represent our country pag nandoon kayo. Huwag ninyong isipin na kayo lang, ambassador of goodwill kayo, may tungkulin sa bansa. Sana patuloy kayong mag-excel. Huwag pairalin ang sarili, alamin kung ano ang tama, para makapagtrabaho ng wasto. Umaasa ang mga nandito, hindi ninyo lang alam pero nami-miss na kayo ng Pilipinas. Sa mga minamahal naming kababayan na sumusuporta sa Original Pilipino Music (OPM), sana ipagpatuloy ninyo ang pagtangkilik sa sariling atin. Mag-ipon habang may pagkakataon, para pagbalik sa Pilipinas ay nakahanda kayo. Kahit anong problema, kaya ni Lord, humingi lang ng guidance. Sa mga may asawa, huwag makakalimot na may pamilya sila rito. Pag nalulungkot kayo, narito kami para magpasaya sa inyo. Ang unforgettable experience namin ay iyong pag may show kami sa ibang bansa, OFWs ang nanonood. Iba ang reception ninyo, minsan nga hindi lang kayo sumisigaw, umiiyak pa, nararamdaman namin ang pagkasabik ninyo sa ating bansa. Kahit paano naibabalik namin kayo sa Pilipinas kahit sandali, masaya na kami, at kayo siempre."

 


home

home

The Season Where Flowers Bloom

Nakakauhaw, nakakabitak na
El Niņo

Specialty ni Aling Cecille

Baguio...the ascending journey

Rosanna Roces...Ligaya ang Magiging Nanay si Selya

In-Side A

Mga Karapatan ng Migranteng Manggagawa


GP Entertainment


Grupo Pilipino Group of Companies | Message Station | Previous Issue | Cover | Sentenyal | Feature Success | Entertainment | Tourism | POEA/OWWA